Nung araw pa lamang na nakatanggap ako ng mensahe sa kanya sa YM, tumawa na ko ng malakas. Sabi ko, "Ay, mukhang nasa akin pa din ang huling halakhak." Naramdaman ko na eh. Naramdaman ko na. Meron siyang gustong sabihin. Nangungulit. Gusto niya akong makausap. Marami siyang mensahe. Di ko sinasagot noong una pero nang lumaon, pinatulan ko na. Makulit eh, kaya pinagbigyan ko. Nagkausap kami. Tama nga ang pakiramdam ko, "kailangan" niya ko. Meron siyang kailangan sakin. Kailangan niya kong makausap.
Ayon sa kanya, wala na daw sila ng babaeng "pinagpalit" niya sa akin. Karma nga naman. Yung ginawa niya sa akin, nangyari sa kanya. Nga naman, tadhana na ang gumawa ng paraan para sa akin. Swerte ko na lang kasi hindi ko na kailangan mag-effort para makaganti. Eto siya ngayon, bumabalik sa akin, humihingi ng tawad.
Dalawa ang gusto kong ipunto ngayon. Una, sinabi ko na sa sarili ko noong mag-confess ako kay Fr. Rujin, matutunan ko rin silang patawarin kahit hindi sila humingi ng tawad. Siguro sa tagal ng panahon, napatawad ko na din sila. Ewan ko, pakiramdam ko kasi nabubuhay ako sa kasabihang "Forgive but not forget." Pakiramdam ko kasi madali ako magpatawad kasi alam ko naman lahat ng tao, nagkakamali. Kanya kanyang antas ng kamalian lang. Pero ako yung tipong tao na hindi marunong makalimot lalo na sa kagaguhang nagawa sa akin. Kahit naman sa kaibigan o sino pang malapit sa akin, ganun ako. Pagbigyan ang pagkakamali pero hindi ko malimutan yung pagkakamaling ginawa sa akin. Ganon pa man, sa kanila, sige pagbigyan sila. Kasi sa totoo lang, wala na naman ako magagawa sa nangyari na eh. Eh ano gusto mong mangyari? Hindi ako nabubuhay sa laging pag-alala ng kamalian nila, kinalimutan ko sa paraang kailangan ialis na sila sa buhay ko pero kailangan kong alalahanin paminsan minsan yun para matuto ako na hindi na muling maging tanga sa kanila, nang hindi na ako muling maloko ng parehong mga tao. Pangalawa, hindi ko na kailangan umiwas sa kanya. Kung may terminolohiya talagang "move on" baka nakamove on na nga ako. Hindi na kasi ako apektado sa mga nangyayari sa kanya eh. Kung dati, nasasaktan ako, ngayon sobrang tawang tawa na lang ako. Natatawa ko sa mga nangyayari. At para sa akin, hindi naman dahil lang nakikipag-usap ako sa kanya, may iba nang ibig sabihin yun. Na pwede na niya ko uto-utoin.
Alam ko sa sarili ko, wala nang pag-asa na mabuo muli kung ano man ang nasira. Kung gusto niya kong maging kaibigan, sige papayag ako, pero dapat pagsikapan at paghirapan niya muna na maging kaibigan ako. Kailangan niyang patunayan na karapat dapat siyang mapunta sa listahan ng mga kaibigan ko.
Masyado nang kumplikado ang lahat. Marami siyang nasaktan. Hindi lang ako. Higit sa lahat, nasaktan niya ang mga magulang ko, pati na rin mga kaibigan ko at lahat ng nagmamahal sa akin. Kung ako lang, wala na lang sa akin eh. Pero yung magulang ko yung totoong nasaktan para sa akin. Pagkatapos nga naman ng 3 taon na magagandang pakikisama, ganun lang gagawin niya sa akin? Sa amin? Eh, kakaiba nga naman. Hinding hindi na maibabalik ang lahat.
Sa ngayon, pakahirap ka muna para maging magkaibigan tayo. Hanggang magkaibigan na lang.